Dalawampung Hakbang
Isa... Dalawa... Tatlo...
Alam kong gasgas na ang linyang ito pero anu't ano pa, hayaan mong sabihin kong walang anumang salita mula sa kahit ano pang lenguahe ang magbibigay kahulugan sa pakiramdam ko ngayon.
Ikakasal ka na.
Mula sa kinalalagyan ko, habang dahan dahan mong binabaybay ang gitna ng simbahan, hindi ko mapigilang lumuha ng maliliit na patak.
Ikaw ba talaga yan? Makailang pikit na ang ginawa ko, tinatanong ang sarili kung ikaw nga ba ang babaing nasa traje de boda. At kahit anong pikit ang gawin ko, ikaw nga iyon.
Parang kailan lang, kalaro kita kasama ang ibang bata. Alam ko pa ang itsura mo noon; tisay pero bulok ang ipin, naka-ponytail ka na palagi noon pa, at chubby. Bibo kang kalaro sa piko, pero kapag pikon ka na sa pang-aasar nila dahil sa lagi kang natutumba pag isang paa na lang ang gamit sa number 3 o kaya 4 na box sa piko, sa akin ka iiyak at aawayin ko sila. Madalas nila tayo tuksuhin pero wala lang sa iyo yon. Natutuwa naman ako noon dahil sa akin ka lumalapit. Para sa akin, ikaw na ang bestfriend ko.
Apat... Lima... Anim...
Binibilang ko ang mga hakbang mo sa altar. Ilang segundo na lang ay hindi ka na single. Masaya ka kaya habang naglalakad? May luha ka din sa mata, nakikita ko. Pero ang tanong na bumabalot sa isip ko ay kung luha ba yan ng kagalakan o kalungkutan.
Hindi kita naging kaklase sa grade school. Palibhasa palagi kang nasa star section. Sa service lang kita nakakasabay, at habang kumakain tayo ng cotton candy ay nagkukuwentuhan tayo tungkol sa mga nangyari sa araw natin sa school. At alam ko, nalulungkot ka noon kapag bababa na ako sa bahay namin. Magba-bye ako sayo habang aandar ang service at magtititigan tayo. Close tayo noong elementary. Ako ang bestfriend mong lalaki at ikaw naman ang tangi kong bestfriend na babae.
Pito... Walo... Siyam...
Mahal na mahal kita. At habang pinagmamasdan kita sa maganda mong gown ay parang natutunaw ako sa kinalalagyan ko. Nasa kalagitnaan ka na at maya maya pa ay magsisimul a na ang seremonya.
Nag-high school tayo sa parehong school at sa kabutihang palad ay ka-section kita. Lalo pa tayong naging close kahit pa parating magkaaway ang mga barkada mong babae at ang mga barkada kong lalaki. Pero di gaya noong mga bata pa tayo, sa iba ka na tinutukso.
Sampu... Labing-isa... Labing-dalawa...
Pakiramdam ko, palakas nang palakas ang tugtog ng kasal habang papalapit ka sa altar. Nakangiti ka at kung minsa'y naititingin mo ang mata mo sa ibang taong nagagalak habang pinagmamasdan ka. Nasa sa iyo lahat ng atensyon.
Nagkaroon ka na ng maraming boyfriend. Ako namam ay umasa lamang na maibig mo. Wala akong naging ibang inalayan ng pagmamahal kundi ikaw. At tuwing pinapaiyak ka ng mga magagaling mong ex, telepono ko ang kumikiriring. Kaya nga noong nauso ang kantang "Halaga" ng Parokya ni Edgar, ay sobrang tinamaan ako.
Labing-tatlo... Labin g-apat... Labing-lima...
Maligaya ka sa panahong to, alam ko. Ikaw pa, kilalang kilala na kita. Bestfriend kita eh. Mula ulo hanggang paa, kilala kita. Kakatawa pero naaalala ko pa noong mga bata tayo, alam ko na ang mga panty mo ay yung may burdang Monday, Tuesday, hanggang Friday. Alam ko na noong elementary ay galit ka sa Sibika at Kultura at sa Principal nating tinawag nating Miss Minchin. Noong highschool, alam ko pa kung sinu-sino ang mga naging crush mo. Kabisado na kita. Alam ko kung mainit ang ulo mo, kung malungkot ka, kung hindi maganda ang pakiramdam, kung nae-excite at lahat lahat.
Alam ko din kung maligaya ka. At kung hindi man ako nagkakamali, nararamdaman kong masaya ka ngayon habang patungo sa altar.
Labing-anim... Labing-pito... Labing walo...
Basta maligaya ka, masaya ako. Yun naman ang gusto ko parati, ang maligaya ka. At ang tanging hiling ko s a panahong ito ay ang panghabam -buhay mo nang kaligayahan.
Ayan na malapit ka na sa altar.
Labing-siyam..
Eksaktong ikalabing-siyam na ang ang hakbang mo, nabilang ko sa isip.
Congratulations. Masaya ako at alam kong masaya ka rin ngayong ikakasal ka na...
Dalawampu...
... sa akin.